LABING-isang katao ang namatay nitong Biyernes sa sumiklab na sunog na tumama sa isang limang-palapag na commercial-residential na gusali sa Binondo, Manila.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), ang sunog ay nagsimula bandang 7:28 ng umaga sa ground floor ng Pingco Building sa Carvajal St., Bgy. 289.
Ang sunog ay umabot sa ikalawang alarma ng 8:14 ng umaga at idineklara na naapula ng 10:03 ng umaga ng araw ding ito. Kung saan umabot ang pinsala sa tinatayang 100,000.
Kinumpirma ni Konsehal Nelson Ty na natagpuan ng mga bumbero ang 11 na katawan sa loob ng gusali matapos na tuluyang maapula ang sunog.
Ayon sa kanya, kabilang sa mga nasawi ang asawa ng may-ari ng gusali.
Ayon pa kay Ty, ang gusali ay may apat na residential na kwarto, isang tindahan ng gamot na Tsino, isang kantina, at isang tindahan ng damit.
Sinabi ng security guard ng gusali sa mga imbestigador na nagsimula ang sunog sa canteen nang mag-leak ang liquified petroleum gas (LPG) na ginagamit sa kusina.
Matapos ang insidente, nagpadala ng pakikiramay si Manila Mayor Honey Lacuna sa mga pamilya ng mga biktima at nag-utos ng inspeksyon sa mga gusali sa lungsod na mahigit 15 taon na ang tanda.
Layunin ng hakbang na ito na tiyakin kung ang mga gusali ay sumusunod sa National Building Code at Revised Fire Code of the Philippines.