
HINDI na umabot ng buhay sa pagamutan ang isang 18-anyos na estudyante makaraang sumailalim sa hazing, sa bayan ng Kalayaan sa lalawigan ng Laguna.
Kinilala ang biktima sa pangalang Reymarc Rabutazo ng Barangay Longos ng nasabing bayan. Sa imbestigasyon, hindi kinaya ng biktima ang hazing na bahagi ng initiation rites para sa mga nagnanais maging miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity.
Bagamat naisugod pa sa General Cailles Hospital sa Pakil, Laguna, dineklara namang dead on arrival ang biktimang ayon sa mga kasamahan ay nalunod lang sa ilog.
Subalit sa imbestigasyon, lumabas na hazing ang dahilan ng pagkasawi ni Rabutazo na nakitaan ng mga pasa sa gawing hita. Bagamat wala pang inaarestong suspek, tiniyak ng Kalayaan Municipal Police Station na nakikipagtulungan ang ilang kasapi at opisyal ng Tau Gamma Phi sa isinasagawang imbestigasyon.