BUMAGSAK sa pulisya ang dalawang distributor na nagbebenta ng sari-saring pekeng gamot matapos kumagat sa bitag sa bayan ng Bay ng lalawigan ng Laguna.
Base sa ulat na natanggap ni CALABARZON Regional Director Police Brigadier General Eliseo DC Cruz kay Laguna Police acting Provincial Director Colonel Rogarth Campo, nakilala ang suspek na sina Johnell Onieza Lilia, 37, tricycle driver at Jerim Grace Perez Blanco, 29, mga residente ng Brgy. San Antonio, Bay.
Ayon kay Police Chief ng Bay Municipal Police Station PMaj. Jameson Aguilar, nasabat ng Provincial Intelligence Unit sa mga suspek ang dalawang kahon ng Bioflu,1 kahon ng Ibuprofen Paracetamo Alaxan FR, matapos bentahan ang poseur buyer na pulis. Hiningian ng mga operatiba ng kaukulang dokumento ang mga suspek tulad ng authority to sell o trade sa pharmaceutical products ngunit walang maipakita ang mga ito.
Hinalughog din ang iba pang kagamitan ng mga suspek at tumambad ang iba pang sari-saring kilalang brand ng gamot kabilang ang P1,000 marked money at kanilang sasakyang motorsiklo.
Dadalhin ng mga otoridad ang mga nakumpiskang gamot sa Food and Drug Administration upang ipasuri ang mga hinihinalang pekeng gamot.