
Photo courtesy: CMO AETDC
NAKIBAHAGI ang 392 ROTC students ng Philippine State College of Aeronautics o PHILSCA sa isinagawang Campus Peace and Development Forum kamakailan ng Philippine Air Force (PAF) Air Education, Training and Doctrine Command o AETDC sa pamamagitan ng Civil-Military Operations Office nito at 3rd Air Reserve Center (ARCen).
Ayon kay 3rd ARCEN Admin Officer Lt Lyster Goddi PAF, ito ay bahagi ng regular na programa ng PH Air Force sa pagprotekta sa mga kabataan kontra radikalisasyon at recruitment ng Communist Terrorist Groups o CTGs.
Sa naturang forum, ipinaliwanag ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Region 4-A na ang aktibidad o programa, ay hindi red-tagging activity bagkus pagbibigay ng impormasyon sa mga kabataan para malayo ang mga ito sa panloloko ng makakaliwang grupo. Dito ibinahagi rin ng NICA ang mga naging karanasan ng mga former rebels sa loob ng kilusan at ang hindi magandang epekto nito sa kanilang pamilya.
Samantala, nagpasalamat naman ang mga estudyante at mga guro ng nasabing paaralan sa pagsasagawa ng naturang aktibidad para mabigyan ng tamang impormasyon ang mga kabataan at maiwan na sila ay ma-recruit ng mga grupo na ang layunin ay turuan silang magalit sa pamahalaan at tumalikod sa kanilang mga pamilya.
Ngayong taon, inaasahan ang patuloy na pagikot ng PH Air Force sa mga paaralan at unibersidad para mabigyan ng tamang impormasyon ang mga kabataan at maprotektahan sila kontra recruitment at infiltration ng makakaliwang grupo.