
ISA nanamang road rage incident ang naganap sa kahabaan ng Marcos Highway sa harap ng Café Sinauna, Sitio Calumpang, Brgy. San Jose, umakyat sa pamamaril noong Marso 30, 2025, bandang 5:00 PM, na nag-iwan ng tatlong indibidwal na sugatan bago naaresto ang suspek sa isang checkpoint.
Ang mga biktima ay kinilala sina Peter Guzon Jr., 52, negosyante mula sa Navotas, na nagtamo ng tama ng bala sa ulo, Patrick Guzon, 22, estudyante sa kolehiyo, na binaril sa kanang braso at si Davis Menor, 29, na nagtangkang pakalmahin ang alitan ngunit binaril sa kanang dibdib.
Natukoy naman ang umano’y namaril na si Kenneth Alajar Bautista, 28, negosyante ng Baras, Rizal, na nagmamaneho ng itim na Toyota Fortuner (plate number DAN 7421) .
Ayon sa ulat ng mga awtoridad bandang 5:43 PM, ang suspek ay tumatakas patungo sa Cogeo, Antipolo City. Ang mga rumespondeng opisyal mula sa PCP 3 ay nakipag-ugnayan sa Antipolo CCPS at naglunsad ng OPLAN CABWEB upang harangin ang tumatakas na sasakyan. Tuluyang nahuli ang suspek sa border checkpoint sa Masinag, Brgy. Mayamot.
Lumalabas sa imbestigasyon na nauwi ang mainitang pagtatalo sa pagitan ng suspek at mga biktima, na naging dahilan upang makipagbarilan si Bautista.
Isinugod ang mga biktima sa Cabading Hospital upang magamot.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang karagdagang detalye ng insidente at ang kaukulang kasong isasampa laban sa suspek.