
PINANGUNAHAN ng Police Regional Office (PRO) CALABARZON ang pormal na pagtatalaga ng mga security forces na magsisilbi para sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Sa isinagawang send-off ceremony nitong Lunes, ika-28 ng Agosto sa Camp BGen Vicente Lim, Mayapa, Calamba City para sa mga miyembro ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, Philippine Coast Guard, at National Intelligence Coordinating Agency IV-A, binigyang pagkilala ang malaking kontribusyon na gagampanan ng mga pwersa upang masigurong ligtas na maidaraos ang halalan.
Kasama rin na dumalo ang mga kawani ng at Commission on Elections IV-A at Department of Education IV-A na magsisilbi rin para sa BSKE.
Pinasinayaan sa seremonya ang higit 5000 motorbikes, mga mobile cars, motorboats, smartphones, radio at mga body-worn camera na gagamitin ng aabot sa 8000 pulis at sundalo sa mga checkpoints at iba pang aktibidad alinsunod sa pagbabantay at pagpapanatili ng kapayapaan sa buong rehiyon ng CALABARZON.
Hinikayat ni PRO CALABARZON Regional Director PBGEN Carlito M. Gaces ang lahat ng mga security forces na gawin ang kanilang responsibilidad sa pinakamahusay na paraan upang masigurado ang tagumpay ng isang malinis at payapang halalan ngayong taon.PIA