NABULILYASO ang tangkang panghohold-up sa isang Indian national makaraang rumesponde ang isang off-duty na pulis sa kahabaan ng 253 Sampaguita Street, Brgy. Dalig, Antipolo City.
Sa ulat kay Police Colonel Dominic Baccay, Provincial Director ng Rizal PPO, bandang alas 11:38 ng umaga, tinutukan ng baril si Jasriv Jalaf, 41, ng dalawang suspek na riding in tandem.
Nagsisigaw si Jalaf na humihingi ng tulong at naaktuhan namang naglalakad ang off-duty na si Patrolman Lemuel Romualdez, miyembro ng Aviation Security Group (AVSEG).
Agad na inalam ang insidente ngunit nang papalapit na ito sa mga suspek ay agad bumunot ng baril ang mga ito at nakipagbarilan ang isang suspek kay Romualdes habang ang isa ay tumatakas papalayo . Sumuko rin agad ang suspek na nakilalang si Marlon Cruz, 40, ng 1982 Saturn Street, Brgy San Isidro, Taytay, Rizal, habang ang nakatakas na si Jover Dela Cruz ay kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad.
Narekober sa suspek ang Smith and Wesson caliber .38 na baril na may kargang tatlong bala at isang gun replica.
Kasong RA 10591 o paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at violation of Omnibus Election Code 881 ang kakaharapin ng nahuling suspek.