TINAWANAN ng isang kongresista ang sinabi ng kontrobersyal na presidential spiritual adviser na siya ang katumbas ng propetang ‘Joseph’ sa makabagong panahon.
Ayon kay Gabriela partylist Rep. Arlene Brosas, isang ilusyon lamang ni Pastor Apollo Quiboloy ang ikumpara ang sarili sa isang dakilang propeta, bilang depensa sa inilabas na karatula ng Federal Bureau of Investigation (FBI) kung saan nakabalandra ang mukha nito – kalakip ang mga kasong kinasasangkutan sa Estados Unidos.
Para kay kay Brosas, nararapat na sumuko na lamang ni Quiboloy na tumatayong lider ng sektang Kingdom of Jesus Christ (KJC), para harapin ang kaso at patunayang inosente sa paratang kabilang ang “conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion, and sex trafficking of children; sex trafficking by force, fraud and coercion; conspiracy and bulk cash smuggling.”
“Pa-victim itong si Pastor Quiboloy. Eh siya itong maraming biniktimang kababaihan at menor de edad ayon sa indictment charges laban sa kanya. For someone who is accused of molesting minors and trafficking victims to the US, Quiboloy must really be thick-faced to liken himself to Biblical figures. Sumuko na lang dapat siya,” patutsada ng solon. Aniya, dapat unahan ng nagpapakilalang “appointed Son of God” ang pagdating ng extradition request na ihahain ng Estados Unidos.
Kasabay nito, hinamon din ng kongresista ang Department of Justice (DOJ) para sa agarang paglalabas ng hold departure order (HDO) laban kay Quiboloy habang hinihintay npa ang extradition request ng Estados Unidos. “We again ask the DOJ to do whatever is necessary to facilitate the attainment of justice to all the victims of Pastor Quiboloy — even if those measures would run counter to Duterte’s wishes,” ani Brosas.
Naging tampulan ng pangungutya ang pahayag ni Quiboloy sa mga naglabasang kalatas ng FBI.
“Si Joseph, inapi kahit walang kasalanan. Si Pastor Quiboloy, nang-api at nang-abuso, wanted sex trafficker at sangkot sa napakaraming landgrabbing cases sa Mindanao. Napakalaki ng pagkakaiba,” pagtatapos ni Brosas.