MATAPOS ratipikahan ng Senado at Kamara ang panukalang mandatory registration ng mga SIM (subscriber identity module), nagbigay ang mga telecommunications companies ng anim na buwan para sa may 47 milyong subscribers na irehistro ang kani-kanilang mga numero sa telepono.
Sa ilalim ng nasabing panukala, inatasan ang mga public telecommunications entities (PTEs) o mga telecom companies (telcos) na putulan ng linya ang mga hindi rehistradong SIM card sa itinakdang palugit na nasasaad sa probisyong kalakip ng SIM Card Registration bill.
Atas ng SIM Card Registration bill, kailangang irehistro ng mga pre-paid subscribers ang kanilang pangalan, tirahan, edad, kasarian at iba pang personal na impormasyong magiging bahagi ng database ng gobyerno sa pagtukoy ng pagkakakilanlan ng mga sangkot sa iligal na aktibidades gamit ang telepono.
Sa mga prepaid SIM cards na wala sa talaan ng pamahalaan pagkatapos ng anim na buwan mula sa araw na lagdaan ng Pangulo ang nasabing batas, maaari nang putulin ng mga telcos ang linya ng mga di nakarehistrong SIM packs.