MULING binuhay ng mga militanteng kongresista sa Kamara ang panawagang dagdag-sahod sa hanay ng mga manggagawa, bunsod ng walang puknat na pagtaas ng presyo ng langis at mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain at gamot sa merkado.
Paratang ni Gabriela partylist Rep. Arlene Brosas, apat na taon nang ipinagkakait ng administrasyong Duterte ang giit na dagdag sahod ng mga manggagawang Pinoy. “Napakatagal nang ipinagkait ang signipikanteng dagdag-sahod. Hanggang sa pagtatapos ba ng termino ni Duterte, babaratin pa rin ang mga manggagawa gayong sunud-sunod ang taas-presyo ng mga bilihin? Hindi pwedeng ipagpa-eleksyon pa ang dagdag sahod,” ani Brosas.
Sa datos ng Department of Labor and Employment (DOLE), nananatili sa P537 kada araw ang minimum wage sa National Capital Region (NCR) habang higit na mababa pa ang arawang sweldong tinatanggap ng mga manggagawa sa labas ng kabisera.
Insulto aniya sa mga pamilyang Filipino ang patuloy na pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin, habang kakarampot pa rin ang arawang sahod ng mga manggagawa.
Diin pa ni Brosas, hindi na sapat ang P537 per day minimum wage sa patuloy na pagmamahal ng presyo ng pangunahing bilihin para sa kani-kanilang pamilya.
Bagamat walang itinakdang halagang katumbas ng dagdag-sahod na hiling ng kongresista, may nakabimbin namang panukala sa Kamara.
Sa ilalim ng pending bill sa Mababang Kapulungan, isinusulong ang i-angat sa antas na P750 kada araw na sahod para sa mga minimum wage earners.