KASADO na ng Commission on Elections (Comelec) ang pinaka-aabangang debate sa pagka-pangulo ng bansa sa Marso 19 , ayon kay Director James Jimenez.
Sigurado na rin ang pagdalo ng sampung presidentiables – kabilang sina dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos (Partido Federal ng Pilipinas), Vice-President Leni Robredo (Independent), Manila Mayor Isko Moreno (Aksyon Demokratiko), Senador Manny Pacquiao (Promdi), Senador Ping Lacson (Reporma), Ka Leody de Guzman (Partidong Manggagawa), dating Defsensse Secretary Norberto Gonzales (PDSP), Ernesto Abella, Jose Montemayor at Faisal Mangondato.
Ayon kay Jimenez, hindi maglalabas ng sipi ng advanced questions sa debate ang komisyon.
Hindi rin aniya pahihintulutan ang mga lalahok na magdala ng kodigo sa aktuwal sa salpuklan ng mga ideya, pananaw, plataporma at iba sa mismong oras ng debate.
Paglilinaw ng Comelec spokesperson, hindi pwersahan ang pagdalo ng mga kandidato. Gayunpaman malaking kabawasan aniya sa mata ng mga botanteng Pilipino ang pagliban ninoman sa mga kandidato sa posisyon ng Pangulo.
Sa kabila pa ng patuloy nab anta ng pandemya, sumipa ang kampanya para sa mga kandidato sa national positions nito lamang Pebrero 8.