TIKLO ang pinakamataas na lider ng Southern Tagalog Regional Party Committee (STRPC) at lider ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF), ng pinagsamang tropa ng Joint Task Force Katagalugan (JTFK) at Philippine National Police nitong umaga ng Oktubre 24 sa lungsod Quezon .
Kinilala ang NPA lider bilang si Wigberto Villarico na may mga alyas na Benjamin Mendoza, Juventud Del Fiero, Alejandro Montalban, Laurence, Joven, Mark, Cris, Baylon, at Baler; na secretary ng STRPC at miyembro ng Political Bureau (PolitBuro) ng CPP-NPA-NDF.
Naaresto ang suspek sa Brgy Fairview sa bisa ng arrest warrant na may criminal cases # 11-3248 at 11-3249 na inisyu ni Judge Rodolfo Obnamia Jr, ng Regional Trial Court (RTC) 4th Judicial Region, Branch 64, sa Mauban, Quezon dahil sa kasong kidnapping at pagpatay.
Nahaharap si Villarico sa kasong paglabag sa human rights, international humanitarian law, at iba pang batas na responsible sa serye ng atrocities laban sa pwersa ng gobyerno, pagpatay at pagpaslang sa ilang kilalang personalidad, pag-atake ng mga terorista sa mga komunidad, pagsabotahe sa mga proyekto ng gobyerno, at iba’t ibang gawaing pangingikil sa Timog Katagalugan.
Sa ulat ni Lt.Col. Jeffrex Molina , chief Divion ng Public Affairs Office ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army , halos dalawang buwang minanmanan si Villarico kaya namn ito natunton sa kanyang pinagtataguang lugar. Alam rin ng mga awtoridad na hindi ito nananatili sa Mindoro o sa ibang parte ng Region 4 sapagka’t kabilang siya sa mas mataas na antas na namamahala sa operasyon ng organisasyon ng komunistang terorista.
Ayon kay Brigadier General Cerilo Balaoro, Jr, commander ng JTFK, ang mga tagumpay na ito ay hindi lamang tagumpay ng mga tao sa Timog Katagalugan at ang tuluyang pagbagsak ng komunistang rebelde sa rehiyon ay tagumpay rin ng bawat Filipino.
“Sa kabila nito, nangangako kaming walang humpay na ituloy ang paglaban sa mga nalalabing CPP-NPA-NDF na kumikilos sa rehiyon na siyang naghahasik ng lagim sa mga komunidad . ” ayon pa kay Balaoro.
Patuloy rin ang panawagan ng 2ID sa mga natitirang miyembro ng NPA at iba pang mga rebeldeng kaalyado na talikuran ang karahasan, muling makiisa sa lipunan, at mag-ambag sa mga programang pangkaunlaran ng gobyerno para sa rehiyon at sa buong bansa.
Sa ngayon si Villarico ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Southern Police District ng PNP na nahaharap sa maraming kasong kriminal tulad ng pangingikil, pagre-recruit ng mga menor de edad at estudyante para maging kombatant, paglabag sa anti-terrorism law, at rebelyon, at kidnapping with murder.