NAHARANG ang dalawang Chinese national na umalis ng bansa sa pamamagitan ng pagpapakilala nilang bilang Costa Rican nationals, ayon sa Bureau of Immigration (BI) ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Tinukoy ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang dalawang pasahero na sina Wang Songyi, 54, at Liao Fudi, 50, na kapwa naharang sa NAIA terminal 1 noong Oktubre 19 bago sila makaalis sakay ng flight ng Philippine Airlines patungong Kuala. Lumpur
“Investigation revealed that the passengers intended to proceed to Canada where they planned to use their Costa Rican passports to evade and circumvent Canada’s entry visa requirements for Chinese nationals,” ayon pa kay Viado.
Napigilan ang scheme matapos mapansin ng mga opisyal ng BI na nagproseso sa dalawang pasahero ng mga iregularidad sa mga passport ng Costa Rica na kanilang ipinakita.
Ang nasabing mga pasaporte ay mayroong Philippine immigration arrival stamps na nakitang peke ng forensic documents laboratory ng BI.
Hindi rin sila marunong magsalita ng Espanyol, na siyang wika sa Costa Rica.
Sa panayam , nahayag ang kanilang tunay na nasyonalidad,kung kaya’t isinuko ng dalawang pasahero ang kanilang mga Chinese passport na naglalaman ng mga pekeng BI arrival stamps.
Ang mga dayuhan ay itinurn-over ng BI’s border control and intelligence unit (BCIU) at dinala sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Sinabi ni BI-BCIU chief Ferdinand Tendenilla na ang dalawa ay mahaharap sa mga kaso ng deportasyon matapos sumailalim sa preliminary investigation sa punong tanggapan ng BI.