ARESTADO ang 69 na dayuhan sa isang raid na isinagawa ng mga ahente ng Philippine National Police- Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) nitong Martes ng gabi ang isang umano’y love at cryptocurrency scams hub sa Malate, Manila.
Tatlumpu’t apat sa mga naaresto ay mga Indonesian, 25 ay mga Chinese at 10 ay mga Malaysian.
Bitbit ang search warrant na inisyu ng korte sa Maynila ng magkasanib na grupo na mula sa PNP-ACG at Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) ang isang information technology (IT) firm sa kanto ng Adriatico at Monica St, sa Malate, Maynila.
Sinabi ni PNP-ACG spokesperson Lt. Wallen Mae Arancillo na nag-ugat ang raid sa kumpirmadong intelligence reports ng operasyon ng live illegal online Love Scam at Cryptocurrency Investment Scam sa Malate District.
“Ang mga biktima nila ay mga dayuhan. Gumagamit sila ng iba’t ibang modus na may kaugnayan sa love scam at pamumuhunan sa cryptocurrency. Kapag nakuha na nila ang gusto nila, haharangin nila ang mga biktima,’ ani Arancillo.
Ipinakita ng mga ulat na ang online scam hub ay halos isang taon nang nag-o-operate mula nang bawiin ang permit nito noong Nobyembre 8 noong nakaraang taon.
Sinabi ng mga awtoridad na ilang beses nang ni-raid ang scam hub noong nakaraan.
Nasamsam sa operasyon ang mga kagamitan sa kompyuter at gadget.