INARESTO ng mga awtoridad ang isang driver ng van nitong Linggo kung saan kumpiskado ang mga kahon ng ilegal na sigarilyo na nagkakahalaga ng P1.35 milyon sa checkpoint sa Bgy. Batitang, Zaragoza, Nueva Ecija.
Sa ulat kay Police Regional Office 3 director Brig. Gen. Redrico Maranan, kinilala ng Nueva Ecija police ang suspek na si Recardo Idoz, 42, driver na naninirahan sa Lapaz, Tarlac.
Nagkasa ng checkpoint ang mga tauhan ng Zaragosa Police Station sa San Antonio-Zaragoza Road sa Bgy. Batitang, Zaragoza, Nueva Ecija, na-flag down ang isang puting Nissan van na may plate number na JJ 804A para sa routine check.
Nang buksan ng driver ang bintana ng sasakyan, tumambad sa mga awtoridad ang 20 boxes ng Modern Red Cigarette, 25 boxes ng Modern Blue Cigarette, 20 boxes ng RGD Cigarette at 10 boxes ng Carnival Cigarette na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P1,350,000.
Nabigo ang driver na maipakita ang mga kaukulang dokumento para sa mga kahon ng sigarilyo na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto at pagkumpiska ng mga gamit.
Kakasuhan ang suspek ng paglabag sa Republic Act 9211 o Tobacco Regulation Act of 2023.