ISANG non-government organization (NGO) ang humihiling na na palawigin at isali sa talaan ng mga benepisyaryo ang mga tsuper ng mga pampasaherong tricycle dahil sa walang humpay na pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
“Pagkakataon na ng gobyerno para matulungan naman ang mga kaawa-awang tricycle drivers natin.
Lagi silang naiiwan sa mga programa ng pamahalaan na tutulong sa mga maliliit na sangay ng transportation sector na talagang hinagupit ng pandemya.
Sila rin ang pinaka-magdurusa ngayong tuluy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng krudo,” panawagan ni Robert Nazal ng grupong PASAHERO sa inter-agency Development Budget Coordination Committee (DBCC).
Una nang tiniyak ng DBCC ang pagkakaloob ng fuel subsidies sa transport at agricultural sectors sa hangaring maibsan ang dagok na dulot ng lingguhang taas-presyo ng langis na batay sa pinakahuling datos ng Department of Energy (DOE) ay sumipa na sa $100 kada bariles ssa pandaigdigang merkado.
Gayunpaman, nananatiling walang linaw kung kalian ipamamahagi ang subsidiya bunsod na rin ng kawalan ng implementing guidelines na dapat balangkasin ng Department of Transportation (DOTR) bilang lead agency ng programang Pantawid Pasada.
“Kapag natulungan natin ang ating public transport sector, malaking ginhawa ang dulot nito maging sa ating mga commuters at pasahero,” sambit pa ni Nazal, sabay diin sa karapatan ng mga “tatlong gulong” sa ayuda ng gobyerno.