
MAGSISIMULA nang magpatupad ang North Luzon Expressway (NLEX) ng pagtaas sa toll rate simula bukas, Marso 2.
Inihayag ng NLEX Corp. nitong Biyernes na magtataas ito ng P5 sa open system at P0.72 kada kilometro sa closed system simula Linggo.
Ang open system ay tumatakbo mula sa Metro Manila sa mga lungsod ng Navotas, Valenzuela at Caloocan hanggang Marilao, Bulacan, habang ang closed system ay sumasakop sa bahagi sa pagitan ng Bocaue, Bulacan at Sta. Ines, Mabalacat City, Pampanga as well as Subic-Tipo.
Nauna nang sinabi ng Toll Regulatory Board (TRB) na pinahintulutan nito ang pagtaas ng toll sa pinagsama-samang halaga ng unang yugto ng inaprubahang periodic adjustments ng NLEX na dapat bayaran sa 2023.
Ayon sa TRB, ang mga pagsasaayos ay unang hinati sa dalawang tranches upang mabawasan ang epekto sa mga gumagamit ng expressway.
Sinabi rin nito na ang pagkumpleto ng bagong Candaba 3rd Viaduct noong huling bahagi ng 2024 ay nakaapekto rin sa pagtaas ng toll.
“Ang mga motorista ay nag-e-enjoy sa mas ligtas at mas kumportableng paglalakbay sa bagong Candaba 3rd Viaduct nang hindi nagbabayad ng karagdagang toll mula noong bahagyang binuksan ito noong Agosto 2024 at ganap na natapos noong Disyembre ng parehong taon,” sabi ng NLEX sa isang pahayag.
Sa ilalim ng bagong toll fee matrix, ang mga driver na gumagamit ng open system ay magbabayad ng mga sumusunod na pagsasaayos:
– P5 para sa Class 1 na sasakyan
– P13 para sa Class 2 na sasakyan
– P15 para sa Class 3 na sasakyan.
Samantala, dagdag na singil ang ipapataw sa mga magbibiyahe ng end-to-end sa pagitan ng Metro Manila at Mabalacat City:
– P57 para sa Class 1 na sasakyan
– P142 para sa Class 2 na sasakyan
– P171 para sa Class 3 na sasakyan.
Sinabi ng pamunuan ng NLEX na ang pagtaas ng toll ay makakatulong sa kanila na mapanatili ang kalidad ng mga kalsada at pinakamataas na pamantayan sa serbisyo.