
NAGBALIK-LOOB sa awtoridad ang tatlong dating miyembro ng communist terror group (CTG) sa Nueva Ecija, Bulacan, at Tarlac ayon kay Police Regional Office 3 (PRO3) director Brig Gen. Jean Fajardo noong Linggo.
Ibinalik ng tatlo ang kanilang mga baril at muling pinagtibay ang kanilang pangako sa isang bagong landas.
Ayon kay Fajardo, sumuko si “Ka Glen/Berting,” dating vice squad leader ng SPARROW Unit sa ilalim ng Arcadio Peralta Command, sa mga miyembro ng 2nd Provincial Mobile Force Company-Nueva Ecija Police Provincial Office (PMFC-NEPPO) headquarters sa San Jose City, Nueva Ecija.
Nag-turn over din siya ng isang homemade cal. .38 revolver at dalawang live na bala.
Si “Ka Louis,” isang dating miyembro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na kumikilos sa Bulacan, Pampanga, Zambales, at Bataan, ay sumuko sa 1st PMFC headquarters sa Camp Alejo S. Santos, Malolos City, Bulacan.
Iniabot ni “Ka Louis” ang isang snub-nose .38 revolver at dalawang live na bala.
Sumuko sa 2nd PMFC Headquarters sa Camiling, Tarlac si “Ka Reniel,” isang dating rebeldeng nakalista sa PSR mula noong 2006 at dating miyembro ng KLG-TARZAM sa ilalim ni Neptali Santos (Ka Atong). Binalik din niya ang isang cal. .38 revolver at dalawang live na bala.
Ikinatuwa ni Fajardo ang mga pagsuko bilang testamento sa walang humpay na pagsisikap ng Philippine National Police sa pagpapaunlad ng kapayapaan at pagkakasundo.