
PINAGBABAWALAN ng Bureau of Immigration (BI) ang mga deportation flight na may mga layover para sa mga dayuhang pugante na sangkot sa mga krimen na may kinalaman sa POGO.
Sa ilalim ng BI Board of Commissioners Resolution No. 2025-002, na may petsang Marso 21, 2025, ang mga na-deport na dayuhan na may link sa mga POGO ay maaari lamang ilagay sa mga direktang flight papunta sa kanilang sariling bansa, maliban sa mga kaso kung saan walang direktang ruta mula sa Pilipinas.
Sinabi ni BI Commissioner Joel Viado na ang patakarang ito ay nakitaan ng butas na sinamantala ng mga POGO deportees.
“Ito ay unchartered territory mula nang simulan natin ang mass deportations at arrests ngayong taon bilang pagsunod sa deklarasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bong Bong’ Marcos ng POGO ban,” ani Viado.
Ang hakbang ay matapos isulong nina Senators Risa Hontiveros at Sherwin Gatchalian ang mas mahigpit na hakbang upang maiwasan ang mga high-profile na kriminal na manipulahin ang mga protocol ng deportasyon.
Nagpahayag ng pasasalamat si Viado sa mga senador at iba pang mambabatas na sumuporta sa inisyatiba.
“I extend my deepest appreciation to Senators Gatchalian, Hontiveros, at sa lahat ng mambabatas na tumulong sa pagsulong ng repormang ito. Their commitment to closing loopholes in our deportation process has been instrumental in ensures that foreign syndicates cannot exploit our system. We stand with them in making our immigration policy more stronger and more secure,” ani ni Viado.
Ang BI, sa pakikipag-ugnayan sa Department of Justice (DOJ), ay nagsimula nang makipagtulungan sa mga airline at dayuhang embahada upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng bagong direktiba.
Hinimok din ni Viado ang mga mambabatas na galugarin ang karagdagang suporta sa lehislatura upang ma-institutionalize ang patakaran.
Pinag-aaralan din ng bureau ang mga karagdagang pagpapahusay sa seguridad para sa mga pamamaraan ng deportasyon, kabilang ang mas mahigpit na koordinasyon sa mga ahensyang nagpapatupad ng batas sa ibang bansa.