
NAHARANG ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang Vietnamese national na pinaghahanap ng mga awtoridad dito dahil sa pagkidnap at panggagahasa sa isang babaeng Chinese dalawang taon na ang nakararaan.
Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang suspek na si Nguyen Hu Mai, 48, na naharang noong Marso 21 sa NAIA Terminal 3 habang nagtangkang tumakas sakay ng Cebu Pacific flight papuntang Saigon.
Sinabi ni Viado na si Nguyen ay agad na isinangguni sa mga supervisor para sa pangalawang inspeksyon matapos ang kanyang pangalan ay kabilang database ng BI na binabantayan.
“Nakapag-establish ng aming mga supervisor na ang pasahero at taong lumalabas sa aming watchlist ay iisa,” sabi ni Viado. “Kaya siya ay pinatigil at inaresto ng aming mga tauhan sa paliparan,” dagdag niya.
Agad na itinurn-over si Nguyen sa border control and intelligence unit (BCIU) ng BI at kalaunan ay inilipat sa detention facility ng bureau sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Ayon kay BI-BCIU chief Ferdinand Tendenilla, si Nguyen ay nasa wanted list ng BI mula noong Marso 10 nang kasuhan siya at dalawang Chinese national ng deportation dahil sa pagiging undesirable alien dahil sa kanilang pagiging pangunahing suspek sa kasong kidnapping at rape.
Base sa imbestogasyon ng pulisya na noong Marso 2, 2023, ang tatlong dayuhan ay nagsabwatan sa pagkidnap sa isang babaeng Chinese sa loob ng kanyang condominium unit sa Makati City at dinala sa isang liblib na lugar kung saan ilang beses nilang ginahasa.
Humingi rin umano sila ng ransom money na nagkakahalaga ng P4 milyon sa mga kaanak ng mga biktima kapalit ng pagpapalaya nito.
Sinabi ni Tendenilla na mananatili si Nguyen sa kustodiya ng BI hanggang sa mareresolba ng korte ang mga reklamong kriminal laban sa kanya. Kapag napatunayang nagkasala, kailangan muna niyang pagsilbihan ang kanyang sentensiya bago siya ma-deport.
“Ilalagay din siya sa immigration blacklist at pagbabawalan na muling pumasok sa bansa bilang resulta ng deportation charge na isinampa laban sa kanya,” dagdag niya.