
NASA 17 Filipino ang inaresto ng pulisya sa Qatar , halos isang oras ang layo sa Doha matapos makilahok sa isang rally na sumusuporta sa dating pangulong Rodrigo Roa Duterte na nahaharap sa paglilitis sa The Hague, Netherlands, para sa mga kasong crimes against humanity, ayon sa Department of Foreign Affairs.
Agad namang nagsagawa ng agarang aksyon ang gobyerno nang malaman ang mga pag-aresto at inutusan ang labor attaché na isa ring abogado, na suriin ang sitwasyon ng mga nakakulong na Pilipino, ayon kay Presidential Communications Undersecretary and Palace Press Officer Claire Castro
“Obligasyon pa rin po ng ating pamahalaan, ng administrasyon, ang mga Pilipino anuman po ang kulay nila,” ayon pa kay Castro.
Sinabi ni Castro na ang gobyerno ay patuloy na tutulong sa mga Pilipinong nakakulong sa Qatar kasunod ng kanilang pag-aresto dahil sa pagdaraos ng mga aksyong masa na sumusuporta sa dating pangulo.
“Wala po tayong sinisino. Wala po tayong diskriminasyon patungkol po diyan. Basta kapwa Pilipino ay tutulungan po iyan ng administrasyon,” dagdag niya.