
ISANG tricycle driver ang inaresto ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) noong Huwebes, Abril 10, 2025, dahil sa umano’y pagpatay sa kanyang buntis na asawa at pagtatapon ng katawan nito sa isang tambakan ng basura sa Tondo, Maynila.
Ang biktima, isang 28-anyos na babae, na iniulat na limang buwang buntis.
Natagpuan ang kanyang bangkay sa tambak ng basura sa harap ng Bagong Tondo Wellness Center sa Juan Luna St., Bgy. 61 bandang 2:30 ng umaga noong Martes.
Nagtamo ng maraming saksak ang buntis, karamihan sa dibdib. Naisugod pa ito sa ospital ngunit idineklara itong dead on arrival.
Noong Huwebes, inaresto ng pulisya ang suspek na isang alyas “Reynaldo,”45, ng Tondo.
Nakilala si “Reynaldo” sa pamamagitan ng CCTV footage sa lugar na siyang nagtapon sa kanyang asawa.
Tumakas umano ang suspek patungong Baliwag, Bulacan matapos ang pamamaslang.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon, selos ang motibo sa malagim na pagpatay.