
TATLONG katao ang natimbog ng mga awtoridad matapos magpakilalang mga tauhan ng Commission on Elections o COMELEC Main Office na nagtangkang magsagawa ng inspeksyon sa mga Automated Counting Machines (ACM) sa Silangan Elementary School, Santa Cruz, Laguna.
Kinilala ni Laguna Police Provincial Director PCol. Ricardo I. Dalmacia ang mga suspek na sila alyas Noli, Joel at Jose pawang mga residente ng Quezon, City.
Sa ulat ng Santa Cruz Municipal Police Station sa pamumuno ng Chief of police na si PLtCol Mark Julius Rebanal , nakatanggap ng ulat mula sa isang pulis na nakatalaga sa nasabing eskwelahan na nagbabantay ng mga ACM.
Agad na pinuntahan ni Acting Election Officer ng Santa Cruz, Laguna na si Mr. Patrick H Arbilo ang naturang lugar upang beripikahin ang mga nagpakilalang mga tauhan ng COMELEC at ipinakita ang kanilang Identification Cards (ID).
Katuwang ang Provincial Comelec ng Laguna napag alaman na ang tatlo ay hindi mga empleyado o tauhan ng COMELEC at hindi din mga otorisado na magsagawa ng inspeksyon sa mga ACM.
Dahil dito, agad inaresto ang tatlong indibidwal at inimpormahan ang kanilang mga karapatan at Anti-Torture Law.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Santa Cruz MPS ang mga naarestong indibidwal habang inihahanda ang mga kaukulang dokumento sa pagsasampa ng kasong Usurpation of Authority at Falsification of Public Document laban sa kanila.