
NATIMBOG ang apat na suspek sa P3.4 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation ng Drug Enforcement Team ng Rodriguez Municipal Police Station sa Barangay Geronimo, Rodriguez, Rizal nitong nakaraang Biyernes.
Kabilang sa mga naaresto ang dalawang High Value Individuals (HVI) sina alyas “Jojie”, 30\-anyos , residente ng Montalban Heights, Brgy. San Jose, alyas “Chacha”, 29 -anyos ng Brgy. San Isidro, Rodriguez at dalawang Street Level Individuals (SLI) na sina alyas “JP, 39 -anyos ng Brgy. Pinugay, Baras at alyas “Dondon”, 36 -anyos ng Purok 2, Brgy. Pintong Bukawe, San Mateo sa Rizal.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang limang knot-tied at limang heat-sealed plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu, na may tinatayang kabuuang bigat na 500 gramo na tinatayang nagkakahalaga ng Php 3,400,000.00.
Sa pahayag ni PBGen Paul Kenneth T Lucas, Regional Director ng PRO CALABARZON, ang naturang operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng Philippine National Police laban sa ilegal na droga, na may layuning hulihin ang mga sangkot sa bentahan at paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
“Sa mas pinaigting na kampanya ng kapulisan laban sa ilegal na droga, hindi lamang ang malalaking personalidad ang bibigyang pansin kundi maging ang mga Street Level Individuals (SLIs) o mga street pushers. Patuloy nating pagtutuunan ng pansin ang kanilang mga aktibidad upang masiguro ang isang ligtas at drug-free na lipunan, sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na operasyon at mahigpit na pakikipagtulungan sa publiko.”ani RD Lucas.
Samantala, ang mga nakumpiskang ebidensya ay isinumite na sa Rizal Provincial Forensic Unit para sa kaukulang forensic examination, habang ang mga inarestong suspek ay sumailalim sa drug testing alinsunod sa umiiral na proseso. Sasampahan sila ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.