
NAIPAGKALOOB ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Rice Program ang ₱83,440,000 milyong pisong halaga ng tulong-pinansyal sa mga magpapalay sa rehiyon sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund-Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA).
Dito ay tig-₱7,000 ang natanggap ng mga magpapalay sa rehiyon na rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at nagsasaka ng lupang hindi lalagpas sa dalawang ektarya.
Isa ito sa mga inilahad na update ng DA-4A Rice Program sa isinagawang convergence meeting ukol sa patuloy na implementasyon ng Masagana Rice Industry Development Program (MRIDP).
Hanggang sa kasalukuyang buwan ng Hulyo ay tinatayang 11,920 nang mga magsasaka ang nakikinabang dito at inaasahan na 19,267 pa ang nakatakdang makakuha sa natitirang buwan ng taon.
Ayon kay DA-4A Rice Program Focal Person Maricris Ite, malaking bagay na mula sa dating limang libo ay naitaas na sa pitong libong piso ang ayuda sa mga maliliit na magpapalay para sa kanilang gastos sa produksyon. Aniya ay magpapatuloy pa rin ito sa susunod na taon mula sa labis na taripang nakokolekta sa pag-aangkat ng bigas alinsunod sa Rice Tarrification Law (RTL).