
NANAWAGAN ang mga militanteng grupo sa mga employers at oil industry players na magparaya man lang muna bilang bahagi corporate responsibility na kalakip ng articles of incorporation sa lahat ng mga negosyo sa bansa dulot ng walang humpay na dagdag-presyo sa mga pangunahing bilihin at mga produktong petrolyo.
Pinuntirya ng Partido ng Manggagawa ang Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na nagpahayag ng agam-agam sa kakayahan ng mga kumpanyang magbigay ng umento sa sahod ng mga manggagawang Pilipino.
“Wag kang kuripot,” pasaring ni PM Secretary-General Judy Miranda kay ECOP president Sergio Ortiz Jr.
Bago sumulpot aniya ang pandemya, nanamasa nang husto hindi lamang ang mga malalaking kumpanya kundi maging ang mga micro, small, medium enterprises (MSMEs).
“From 2001 to 2016, the economy doubled in size and productivity increased by 50% but real wages remained stagnant,” panonopla ni Miranda sa walang kabuluhang pangamba ni Ortiz.
Unang iminungkahi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na bigyan ng karagdagang P100 ang mga minimum wage workers upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil sa hidwaan sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Paglilinaw ni Ortiz, hindi siya tutol sa wage adjustment bagamat marami aniya ang atubili kung kakayanin pa ng mga maliliit na negosyanteng lubhang apektado sa tigil operasyon bunsod ng pandemya – bagay na agad sinagot ni Miranda.
Ayon sa lider-manggagawa, hindi inalintana ng mga negosyante ang kapakanan ng mga manggagawa sa nakaraang 16 na taong paglago ng negosyo.
“The pie became larger but the slice of workers remained the same. Employers greedily monopolized all the new wealth produced by the blood and sweat of workers,” patutsada pa ni Miranda.
Kasibaan naman ng mga kumpanya ng langis ang inasinta ni dating Anakpawis Rep. Ariel Casilao kaugnay ng aniya’y pagsasamantala sa gitna ng lumalalang krisis.
Aniya, hindi dapat pulos kita ang atupagin ng mga kumpanya ng langis at sa halip ay dapat pairalin ng mga ito ang tinatawag na ‘corporate responsibility’ upang hindi dumapa nang tuluyan ang mga tao sa kahirapan.
“Oil companies must curb their greed and refrain from taking advantage of the conflict in Ukraine. Huwag naman ipasa sa taumbayan ang kalbaryo ng taas presyo. Stop the profiteering and overpricing of oil companies,” ayon sa dating solon.
Nakatakdang magpatupad ng panibagong bigtime oil price hike ang mga kumpanya ng langis ngayong araw. Tumataginting na P12 ang dagdag-presyo sa krudong gamit ng mga pampublikong sasakyan.
Paniwala ni Casilao, tiba-tiba ang mga oil companies sa ginagawang pagsasamantala gamit ang krisis.
Sa kanyang pagtatala, humakot ng bilyong bilyong tubo ang mga kumpanya ng langis noong nakaraang taon patunay ang P6.14 bilyong net income ng Petron at P42.09 bilyong kinita ng Shell.
“Oil companies are back to profitability and are raking in billions as global oil prices keep rising. Whatever net loss oil companies had in 2020 due to pandemic lockdowns, they have already recouped in 2021,” pagtatapos ng dating kongresista.