HINDI pwedeng mag-endorso ng sinumang kandidato mula sa nasyunal hanggang sa lokal ang may humigit kumulang 42,000 barangay chairmen sa buong bansa, ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG).
Ayon kay DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño, mahigpit na ipinagbabawal sa hanay ng mga kapitan at maging sa mga kagawad ng sangguniang barangay ay mangampanya para sa nalalapit na halalan sa Mayo.
“Mahigpit na ibinilin ng DILG sa mga barangay ang Omnibus Election Code na ang mga barangay ay apolitical… Hindi pwedeng mangampanya ang mga barangay,” ayon kay Diño.
Hindi rin aniya angkop na gumamit ang sinumang barangay official ng mga kasuotang may larawan at pangalan ng kandidato. “Bawal din ang pagsusuot ng mga barangay official ng T-shirt na may nakalagay na ‘vote’ at pangalan ng kandidato,” dagdag pa niya.
Paglilinaw ni Diño, pwede naman aniyang dumalo sa mga political activities ang mga barangay officials – subalit, kasabay ng babalang kakasuhan ang sinumang mag-eendorso.
“Puwede namang dumalo sa political activities ang mga barangay officials pero dapat walang endorsement ng kandidato.”
Nitong lamang nakalipas na araw ng Biyernes ganap na sumipa ang kampanya para sa mga kandidatong puntirya ang mga lokal na pwesto – kabilang ang kinatawan ng partikular na distrito, gobernador ng lalawigan, alkalde ng lungsod o bayan.
Sa tala ng Commission on Elections, nasa 18,023 lokal na pwesto ang paglalabanan. Sa nasabing bilang, 845 kandidato ang napag-alamang walang kalaban.