NAGDAOS ng hybrid rice derby ang ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A), Philippine Rice Research Institute (PhilRice), at National Irrigation Administration (NIA) sa Brgy. Hagonghong, Buenavista, Quezon noong ika-8 ng Abril upang mas maipakilala ang hybrid rice technology sa mga magpapalay mula sa mga bayan ng Buenavista, Tagkawayan, Catanauan, San Narciso, Agdangan, Sariaya at Guinayangan, Quezon.
Ang hybrid rice ay bunga ng unang henerasyon ng paglalahi ng dalawang barayti ng palay na nagtataglay ng pinakamahuhusay na mga katangian.
Nabubuo ito sa pamamagitan ng paglaglag ng polen mula sa bulaklak ng isang barayti ng palay o pollen parent sa istigma ng bulaklak ng ibang barayti o seed parent.
Ilan sa mga katangian ng hybrid na palay ay ang mahahaba at makakapal ang ugat, mas maaga at mabilis ang pagsusuwi, at mas malaki at mabibigat ang uhay. Halimbawa ng mga hybrid na barayti: Mestizo 1, Mestiso 19, Mestiso 20.
Nagpakita ang mga kumpanya ay ang LongPing, SL Agritech, Leads Agri, Advanta, US Agri Seeds, Bayer, Aljay, Pioneer Corteva at Bioseeds ng aktwal na bunga at kalidad ng hybrid rice sa mga magpapalay .
“Darating ang panahon na hindi na tayo mag-iimport ng bigas dahil sa mga ganitong barayti ng palay, nag umpisa ito dito sa ating bayan, kaya palaguin pa natin ito,” ani Buenavista Vice Mayor Alvin Rivera.
“Hindi dadalhin dito ang ganitong programa kung walang suporta, kaya naman kami ay nagpapasalamat unang-una sa mga magsasaka ng bayan ng Buenavista at sa mga namumuno dito,” ani G. Rolly P. Cuasay, Agriculture Programs Coordinator ng Quezon.
Ang hybrid rice technology ay isa sa mga sinusulong ng DA-4A sa rehiyon dahil sa angkin nitong potensyal na makapagbigay ng mas masaganang ani at mataas na kita sa mga magsasaka.