
PAGKAGALIT na nauwi sa paghihiganti ang naging motibo sa tangkang pamamaslang sa isang opisyal ng Bureau of Customs (BOC) na tinambangan nito lamang Abril 4 sa kahabaan ng Macapagal Boulevard sa Pasay City.
Bagamat hindi agad tinukoy ni Pasay City Police chief Colonel Cesar Paday-os ang pagkakakilanlan ng kanilang itinuturing na person of interest, sinabi ng opisyal na patuloy pa silang nangangalap ng mga testimonya ng iba pang testigo – kabilang ang hepe ng BOC internal and prosecution division na diumano’y personal na nakasaksi sa away na naganap sa loob mismo ng nasabiong tanggapan noong Setyembre ng nakaraang taon.
Pagtitiyak ni Paday-os, hindi lalayo sa mga sensitibong kasong isinampa laban sa mga tiwaling opisyal at kawani ng BOC ang motibo sa pananambang sa 30-anyos na si Atty. Joseph Samuel Zapata noong gabi ng Abril 4 sa kahabaan ng Macapagal Avenue sa Pasay City.
Ani Paday-os na personal na nangasiwa sa imbestigasyon, nakausap na din nila ang biktima ilang araw matapos isugod sa pagamutan makaraang tumama sa likod na bahagi ng kanyang katawan ang isa sa limang balang ipinutok ng hindi pa nakikilalang salarin sa biktima habang minamaneho ang kanyang sasakyan patungo sa kanilang tahanan sa Paranaque City.
Bukod kay Zapata, nakuhanan na rin anila ng testimonya ang ilang saksi – kabilang ang pamilya ng tinambangang abogado.
Sa salaysay ng ni Claro Zapata (ama ng biktima), lumalabas na nagsimulang makatanggap ng banta sa buhay ng abogado buwan ng Setyembre 2021 matapos makaalitan ang isang BOC personnel na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon pa sa matandang Zapata, lubhang ikinagalit ng hindi na pinangalanang BOC personnel ang paghahain ng subpoena ng kanyang anak kaugnay ng imbestigasyon ng BOC internal and prosecution division kung saan ito tumatayong deputy chief.
Ang nasabing tanggapan ang nangangasiwa sa pagsisiyasat at pagsasampa ng kaso laban sa mga tiwali sa loob ng kawanihan.
Bago ang pananambang kay Zapata, ilang opisyal at kawani na rin ng BOC ang tinambangan mula Oktubre ng nakalipas na taon. Kabilang sa mga napatay sa serye ng pag-atake sa hanay ng mga kawani ng BOC sina BOC senior appraiser na si Eudes Nerpio, BOC assistant section chief Ryan Difuntorum, BOC-IT personnel Gil Manlapaz, Atty. Melvin Tan.
Sa mga naturang pananambang, kapwa nasawi sina Nerpio at Manlapaz na kapwa pinaslang sa lungsod ng Maynila.
Hinagisan naman ng granada ang labas ng bahay ni Deputy Commissioner for Enforcement Group Teddy Raval noong Pebrero 9.