MATAPOS gawaran ng kabi-kabilang pagkilala bunsod ng mga programang isinusulong kontra droga, pinarangalan naman ng Association of Anti-Drug Coalition of the Philippines (AADCP) ang mag-amang magkatuwang sa programa bilang Anti-Drug Local Champions.
Sa ginanap na pagtitipon sa Holiday Inn Suites sa lungsod ng Makati, personal na tinanggap ni Vice Mayor Gerardo Calderon ang parangal at titulong iginawad sa kanya at kay Angono Mayor Jeri Mae Calderon – Anti-Dug Local Champions mula kina AADC Philippines chairperson Dr. Raquel Tolentino, Dir. Kelia Cummins ng Bureau of International Narcotics and Law Enforcement Affairs at David Aguilar na tumatayong Consultant ng Community Anti-Drug Coalitions of America.
Target ng AADCP na higit na kilala bilang katuwang ng pamahalaan sa giyera laban sa kalakalan at paggamit ng ipinagbabawal na gamot na tiyakin pasok sa pamantayan ng organisasyon ang mga programang isinusulong ng mga bayan at lungsod na kasapi ng AADCP.
Samantala, nakapagtala ng tumataginting na markang 98% ang Angono sa ginanap na pagsusuri ng Department of Interior and Local Government (DILG) para sa nagdaang taon.
Sa datos ng Anti-Drug Abuse Council Performance, pumapangalawa sa 14 na lokalidad ang bayan ng Angono bunsod ng komprehensibo at “highly-functional performance” na programang tugon sa banta ng ipinagbabawal na gamot sa 10 nasasakupang barangay.
Sa kalatas ng DILG, target ng kawanihan bigyang pagkilala ang mga lungsod at munisipalidad na may epektibong programang magsisilbing huwaran ng ibang bayan kung saan nananatili ang banta ng droga.
Partikular na binigyang pansin ng DILG ang binalangkas na tugon ng Angono Municipal Drug Abuse Council, mga umiiral na ordinansa, polisiya ang mga makabagong paraan ng Angono sa pagsugpo sa itinuturing na kanser ng lipunan.