DINUKOT ng mga armadong lalaki ang isang Amerikano sa Sibuco, Zamboanga del Norte noong Huwebes ng gabi..
Ang biktima ay nakilala bilang si Elliot Onil Eastman mula sa Vermont, USA. Siya ay kinidnap ng hindi bababa sa apat na armadong lalaki sa Sitio Tungawan, Barangay Poblacion sa bayan ng Sibuco bandang alas-11 ng gabi noong Huwebes.
Ayon kay Col. Helen Galvez, tagapagsalita ng Police Regional Office 9, sa inisyal na imbestigasyon , nagpakilala bilang mga law enforcers nang pasukin at dakpin ang biktima sa loob ng bahay ng kanyang mga biyenan.
Walang namang grupong umaako ng pagdukot sa dayuhan .
Inutusan ni Brig. Gen. Bowenn Joey M. Masauding, direktor ng PRO9, na magsagawa ng operasyon upang paghahanapin ang mga armadong lalaki at iligtas ang biktima .
Ayon kay Galvez, ang American citizen ay kasal sa isang lokal na residente, ay nasa bansa mula noong Hunyo ng taong ito.
Nakuhanan ng pulisya ang pahayag ng isang lokal na residente na nag-ulat na ang apat na suspek, na nakasuot ng itim na pantalon at damit at armado ng M-16 na mga automatic rifle, ay nagpakilala bilang mga pulis nang isagawa ang pagdukot.
Sinabi ng saksi na sinubukan ng biktima na lumaban at nagawa pa niyang makatakbo ng ilang saglit mula sa mga kidnapper, ngunit siya ay nabaril sa binti ng isa sa mga armadong lalaki.
Dagdag pa ng saksi, ang biktima ay hinatak ng mga kidnapper papasok sa isang bangka na tumakas patungo sa dagat.