SINAMPAHAN na ng kasong kriminal sa piskalya ang Las Pinas police station laban sa anak ni Negros Oriental Reop. Arnulfo Teves kaugnay ng insidente ng pananakit sa isang security guard ng isang exclusive subdivision dalawang linggo na ang nakakaraan.
Kalakip ang testimonya ng biktimang si Jomar Pajares at kuha ng CCTV sa nasabing lugar, isinampa ang reklamo sa Office of the City Prosecutor ang kaso laban kay Negros Oriental Provincial Board Member Kurt Matthew Teves.
Kabilang sa kasong kinakaharap ng anak ng kongresista ay physical injuries, grave threat, at paglabag sa omnibus election code bunsod ng pagbibitbit ng baril sa mga panahong mahigpit na ipinatutupad ang election gun ban.
Kuhang-kuha sa CCTV ang aktuwal na pagsuntok at pagsipa ni Teves kay Pajares.
Nito lamang nakaraang linggo, inamin ng batang Teves ang kanyang pagkakasala sa isang pulong balitaan kung saan niya inihayag ang kanyang pagbibitiw sa pwesto bilang provincial board member.
Gayunpaman, wala pang isinusumiteng resignation letter ang naturang provincial board member, ayon mismo sa Sangguniang Panlalawigan ng Negros Oriental.