
San Fernando City – GINAWARAN ang loKal na pamahalaan ng Bacnotan sa probinsya ng La Union ng parangal bilang Cleanest, Safest, and Greenest Coastal Municipality ng lalawigan at Gawad Kabalikat sa Pangisdaan na binigay noong nakaraang Abril 10, 2025 para sa ika-50 Gawad Saka Search ng mga Natatanging Magsasaka at Mangingisda sa ilalim ng kategoryang Municipal Fisheries and Aquatic Resources Management Council (MFARMC).
Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2024, tumaas ang bilang ng mga nahuhuling isda sa nasasakupan ng Bacnotan bunsod ng epektibong pamamahala sa Marine Protected Area (MPA). Sa kasalukuyan, may kabuuang 965 na mangingisda sa bayan (264 na babae at 701 na lalaki), at 301 na bangkang pangisda.
Sa walong ( 8 ) Municipal FARMCs mula Luzon, Visayas at Mindanao ay napabilang ang MFARMC Bacnotan sa Top 5 — isang karangalang ikinagalak at ipinagpapasalamat ng mga opisyales at miyembro ng Konseho, ang lokal na pamahalaan Bacnotan, at ng BFAR Region 1.
Ang Gawad Saka Parangal sa mga Natatanging Magsasaka at Mangingisda ng Department of Agriculture, ay isinasagawa upang kilalanin ang natatanging kontribusyon ng mga indibidwal, grupo, at organisasyon na walang sawang nagsusulong ng kaunlaran at kabuhayan sa sektor ng agrikultura at pangisdaan.