
PATAY ang isang punong barangay at dalawang barangay kagawad nitong Lunes habang isa ang malubhang nasugatan ng pagbabarilin sa isinagawang flag-raising ceremony sa harap ng barangay hall sa Dasmariñas City, Cavite.
Nagpakamatay din ang suspek na dating barangay tanod matapos ang pamamaril.
Habang malubhang nasugatan ang isang Sangguniang Kabataan secretary nang tamaan ng ligaw na bala.
Kinilala ang mga biktima na sina Raul Atarde Ballos, 56; at mga “kagawad” na sina Jose Lagones, 65; at Marvin Canete, 54, pawang ng Bgy. Salitran 3, Dasmariñas City, Cavite, ayon kay Dasmariñas City acting police chief Lt. Col. Oñate Region.
Nasa kritikal na kondisyon sa pagamutan naman si Sangguniang Kabataan secretary Christine Joseph Bonus.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na nangyari ang pag-atake ng pamamaril alas-8 ng umaga noong Lunes sa isang flag-raising ceremony sa harap ng barangay hall ng suspek na si alyas “Ariel,” 50-anyos na dating barangay tanod ng Bgy. ng Salitran 3, Dasmariñas City.
Ang suspek na armado ng baril ay biglang pinagbabaril nang malapitan ang barangay chairman at ang dalawang “kagawad”.
Matapos makita ang mga biktima na bumagsak sa lupa at duguan, inikot ng suspek ang baril sa sarili saka hinila ang gatilyo.
Isinugod sa ospital ang chairman at ang kanyang dalawang “kagawad”, kung saan idineklara silang dead on arrival.
Habang inoobeserbahan pa sa pagamutan ang SK secretary.
Dinala ang suspek sa St. Paul Medical Center ngunit idineklara ring dead on arrival.
Kinondena naman ni Regional Director ng Police Regional Office 4A (Calabarzon) Brig. Gen. Paul Kenneth T. Lucas ang malagim na krimen at agad niyang iniutos ang malalim na imbestigasyon sa pag-atake ng pamamaril.
“Mahigpit naming kinokondena ang karumal-dumal na insidente ng pamamaril. Agad naming inatasan ang aming mga imbestigador na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang tunay na motibo sa likod ng krimeng ito, at upang mabigyan ng hustisya ang mga namatay at nasugatan na mga biktima,” sabi ni Lucas.