
HINDI na ibabalik ang batang ibinenta ng ina dahil sa pagkakalulong sa E-sabong matapos itong mabawi ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa posible umanong maulit pa muli ang pagbebenta rito.
Sinabi ni Atty. Janet Francisco na tumatayong hepe ng NBI Anti-Human Trafficking Division (NBI AHTRAD) na depende pa rin sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung ipapaubaya sa mga magulang ang sanggol na ibinenta ng sariling inang una nang umamin nabaon sa utang dahil sa pagkakalulong sa e-sabong.
Nasagip ang bata sa Sta.Cruz ,Laguna nitong araw ng Martes at sa ngayon ay nasa pangangalaga ito DSWD.
Tinukoy naman ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mag-asawang sina Imelda Maligiran at ang Nigerian national na si Maxwell Brine.
Ayon sa NBI, “Yung possibility na ulitin nung nanay medyo malaki yon kasi nga kakasuhan pa rin namin siya.
So, it is up to the DSWD to really evaluate kung ano ang makakabuti sa bata because always yung best interest ng bata ang importante dito,” ani Francisco.
Samantala, ipinaubaya naman ni NBI Director Eric Distor sa piskalya at husgado ang kapalaran nina Mailigiran at ng asawang Nigerian national na kapwa sinampahan ng asunto ng NBI kaugnay ng bentahan ng sanggol.
“Tinitignan na natin ano yung role noong nahuling suspect na may kinalaman sa kasong ito baka ito ay may role na mas malaki sa sindikato sa human trafficking.
Hindi natin titigilan na mahuli lahat ng may kinalaman sa illegal na krimeng ito,” sambit ng NBI chief.
Paglabag sa Republic Act 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act) at Republic Act 7610 ng Child Trafficking Act ang inihaing kaso laban sa mag-asawa at inang nagbenta ng sariling sanggol.