PINAGBUNTUNAN ng sisi ng Bureau of Plant Industry (BPI) ang mga tiwaling kawani ng Bureau of Customs (BOC) na anila’y kasabwat sa pagpuslit ng mga carrots na naglipana sa mga pamilihang bayan dahil sa pagbaha ng mga mga murang gulay na inangkat pa mula sa bansang Tsina.
Hayagang sinabi ni BPI director George Culaste na hindi nila saklaw ang mga pumapasok na kargamentong hindi nakadeklarang halaman o produktong mula sa halaman, kasabay ng paglalahad na nasa kamay ng BOC ang hurisdiksyon sa mga kargamentong hindi naman ikinukuha ng permit mula sa kanilang tanggapan.
Aniya, ang sandamakmak na carrots sa mga pamilihang bayan ay bahagi ng mas malaki pang mga kargamentong napag-alamang idineklara bilang chapati – isang rekado sa paggawa ng mga tinapay.
“Kasi misdeclared po ang nangyayari diyan. Hindi po ‘yan dinedeclare na plant and plant products. Hindi po kumukuha sa amin ng permit… Hindi namin ma-inspect. Wala kaming jurisdiction,” ani Culaste.
Kamakailan lang, nagbabala ang mga magsasaka mula sa La Trinidad, Benguet sa umano’y unti-unting pagpatay ng pamahalaan sa kanilang tanging pinagkukunan ng ikabubuhay sa kanilang pamilya. Partikular nilang tinukoy ang mga nakatenggang panindang inayawan ng mga mangangalakal na mas piniling humango ng mga mas mura subalit smuggled na carrots.
Sa isang pahayag, sinabi ng League of Associations at the La Trinidad Trading Post na itatapon na lamang nila ang mga inaning gulay.
“Hindi na kami umaasa sa Department of Agriculture at BPI. Ilang bese na kami nakipagdayalogo. Wala din naman magandang nangyari. Sa halip na matuldukan ang agri-smuggling, mas dumami pa,” anila.