ISA na namang kawani ng Bureau of Customs (BOC) ang tinambangan nito lamang Lunes ng gabi sa kahabaan ng Macapagal Boulevard sa Pasay City.
Kinilala ang biktimang si Atty. Joseph Samuel Zapata ng BOC internal and prosecution division, na nangangasiwa sa pagsisiyasat at pagsasampa ng kaso laban sa mga tiwali sa loob ng kawanihan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, binabaybay ni Zapata lulan ng kanyang sasakyan ang kahabaan ng southbound lane ng Macapagal Avenue nang magpaputok sa kaliwang bahagi ng sasakyan ang hindi nakikilalang suspek na nakasakay sa isang motorsiklo Lunes ng gabi.
Sa pagkataranta, sumapok ang kotseng kinamaneho ni Zapata sa isa pang sasakyan.
Bagamat hindi tinamaan ng bala, nagtamo naman ng pinsala sa kanyang likod ang biktimang agad na isinugod sa pagamutan.
Patuloy naman ang isinasagwang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) sa hangaring matukoy ang suspek at motibo sa likod ng bigong pamamaslang.
Sa pahayag ni BOC intelligence and investigation service director Jeoffrey Tacio, nakipag-ugnayan na rin aniya sila sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa agarang paglutas ng naturang kaso.
Kabilang sa sinisilip na anggulo sa tangkang pagpatay kay Zapata ay ang kanyang trabaho bilang isa sa mga abogadong may hawak ng mga sensitibong kaso sa kawanihan.
“Tinitingnan namin ang lahat ng hawak niyang kaso, and from there, we will backtrack kung may related doon, and also other angle so lahat ng angle makikita namin,” ani Tacio.
Bago ang pananambang kay Zapata, ilang opisyal at kawani na rin ng BOC ang tinambangan mula Oktubre ng nakalipas na taon. Kabilang sa mga napatay sa serye ng pag-atake sa hanay ng mga kawani ng BOC sina BOC senior appraiser na si Eudes Nerpio, BOC assistant section chief Ryan Difuntorum, BOC-IT personnel Gil Manlapaz, Atty. Melvin Tan.
Sa mga naturang pananambang, kapwa nasawi sina Nerpio at Manlapaz na kapwa pinaslang sa lungsod ng Maynila.
Hinagisan naman ng granada ang labas ng bahay ni BOC Deputy Commissioner for Enforcement Group Teddy Raval noong Pebrero 9.