KUSANG nagbitiw na sa pwesto ang anak ng kongresistang si Negros Oriental Rep. Arnie Teves matapos manakit sa security guard sa isang exclusive subdivision sa Paranaque City kamakailan.
Inihayag ni Board Member Kurt Matthew Teves ang kanyang resignation kasabay ng paghingi ng paumanhin sa biktimang Jomar Pajares na una nang naghain ng asunto sa piskalya makaraang mag viral ang aktwal na panunutok nito.
“What happened was already done. I was wrong to lay my hands on him. Whatever the reasons are, I should not have hurt him.
For that, I offer my sincerest apologies,” pag-amin ng batang Teves. “This incident is entirely on me. I should face it,” dagdag pa niya.
Ayon sa kwento ni Pajares , isang grupo ng kalalakihan ang lulan ng isang mamahaling sasakyan ang nagtangkang pumasok sa BF Homes sa Parañaque City, sa kabila pa ng kawalan ng subdivision sticker.
Pinakiusapan din umano niya ang lalaking nagpakilalang anak ng isang mambabatas na sa kabilang gate ng subdivision dumaan dahil doon aniya pinahihintulutan ang mga hindi residenteng itinatawag muna sa may-ari ng bahay na kanilang pupuntahan.
Sa halip na tumugon, hinamon pa umano siya ng barilan bago ginulpi at saka tinutukan habang nakaluhod sa suspek na kalaunan ay natukoy sa pangalang Kurt Teves.
Dagdag pa niya, sumusunod lang sila sa patakarang atas na kanilang ipatupad bilang mga guwardiya.
Sa kanyang pagdulog sa isang programa sa telebisyon, inilabas din ang kuha ng CCTV camera sa bukana sa BF Homes kung saan naidokumento mula sa tangkang pagpasok ng mga suspek hanggang sa pananakit sa gwardya.