SA pamamagitan ng pagpapakita ng mga interbensyong binigay ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A ) sa Samahan sa Industriya ng Cacao na Pangkabuhayan ng Sariaya (SICAP-Sariaya), idinaos ang Cacao Harvest Festival sa lalawigan ng Quezon.
Ang SICAP- Sariaya ay binubuo ng 52 cacao growers , kabilang ang benepisyaryong samahang Technology Demonstration Program sa ilalim ng High Value Crops Development Program (HVCDP) .
Naglalayong nitong palakasin ang produksyon ng cacao sa pamamagitan ng pabibigay ng libreng pagsasanay tungkol sa mga modernong teknolohiya sa pagtatanim at suporta sa produksyon.
Ayon sa HVCDP, ang SICAP-Sariaya ay nakatanggap ng Php3,822,790.29 halaga ng interbensyon mula sa DA-4A noong 2020-2021, at may nakalaan pang Php423,500 halaga ng suporta sa produksyon para sa 2022.
Ilan sa mga ito ay cacao grinder, winnower, roaster, huller, seedlings, fertilizer, pruning shears, mini chainsaw, cacao processing facility, at iba pa.
Binati ni OIC-Field Operations Division (FOD) Chief at HVCDP Coordinator, Engr. Redelliza A. Gruezo, ang pamunuan ng SICAP-Sariaya dahil sa angking galing, kasipagan, at kagustuhan nitong patuloy na paunlarin ang industriya ng cacao sa rehiyon.
“Kami po ay natutuwa dahil kitang-kita po natin na hindi nasasayang ang mga interbensyong ibinibigay ng Kagawaran sa SICAP-Sariaya,” aniya.
Ayon kay G. Florencio A. Flores, presidente ng SICAP-Sariaya, dahil sa mga interbensyon ng DA-4A sa samahan, nakatulong ito sa pag-produce ng halos 12,000 kilograms ng wet cacao beans noong 2021. At ngayong taon ay inaasahan itong tumaas ng 15,600 kilograms.
“Kami po ay nagpapasalamat sa DA-4A dahil hindi nila kami pinapabayaan, bagkus ay patuloy kaming ginagabayan at sinusuportahan mula produksyon at ngayon ay nagpa-process na din po kami,” ani G. Flores.
Nakiisa din sa harvest festival sina DA-4A Quezon Agricultural Programs Coordinator Officer Rolando P. Cuasay, OIC-FOD Asst. Chief Fidel L. Libao, PLGU-Quezon Acting Provincial Agriculturist Leonellie G. Dimalaluan, at iba pang kawani ng DA-4A.