
IGINIIT ni Senator Alan Peter Cayetano nitong Martes ang kahalagahan ng pamumuhunan sa artificial intelligence (AI) at modernisasyon ng mga laboratoryo sa state universities para hindi mapag-iwanan ang mga estudyanteng Pilipino sa makabagong mundo.
Sa kanyang pagbisita sa Cebu Technological University (CTU) noong Hulyo 8, 2025, sinilip ni Cayetano ang demonstration ng isang Industry 4.0 AI machine at nakipag-usap sa mga opisyal ng unibersidad tungkol sa hinaharap ng tech-driven education sa bansa.
“Every season of our life, every decade, every generation, nahuhuli ang Pilipinas, one way or the other,” aniya.
“Pero sa AI, hindi dapat tayo mahuli,” dagdag niya.
Kasama ni Cayetano sina CTU President Dr. Joseph Pepito sa pagbisita sa laboratoryo kung saan pinuri nito ang kakayahan ng unibersidad na itaguyod ang teknolohiya sa kabila ng limitadong pondo.
“Usually sa ganito, akala natin sa University of Tokyo, sa MIT (Massachusetts Institute of Technology), et cetera. Pero sa Pilipinas po, despite the meager budget, marami tayong magagaling na teachers at facilities,” wika ni Cayetano.
Bilang Chairman ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education, tiniyak niyang isusulong ang mas mataas na pondo para sa mga state universities and colleges (SUCs), lalo na sa larangan ng science, technology, engineering, at mathematics (STEM).
“Ipu-push natin ang mas malaking pondo sa ating mga state universities and education in general,” wika niya.
Kamakailan lang ay inihain ni Cayetano ang Makakapagtapos Ako Act bilang bahagi ng kanyang priority bills para 20th Congress na naglalayong bigyan ng buwanang allowance ang mga kuwalipikadong senior high school at college students para masigurong makapagtapos sila ng pag-aaral.
Sa kanyang pagbisita, pinuri ni Cayetano ang dedikasyon ng CTU sa larangan ng AI at makabagong edukasyon.
“Congratulations sa mga Cebuano sa CTU. I support your ambition na maging leader sa AI, technology in general,” wika niya.