
Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga –ARESTADO ang isang 26-anyos na construction worker noong Enero 15, 2025, dahil sa paglabag sa Omnibus Election Code at Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) sa isang checkpoint ng madaling araw. isinagawa ang operasyon sa Barangay Pambuan, Gapan City.
Ang suspek na kinilalang si “Jose,” ay sakay ng isang motorsiklo at naiwan ng kanyang kasama nang i-flag down sila ng mga tauhan ng 303rd Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 3 (RMFB3) at Gapan City Police Station ( CPS) sa isang regular na checkpoint bandang 1:15AM.
Matapos madakip, isinailalim siya sa regular na paghahanap ng mga awtoridad at nadiskubreng may dalang hindi lisensyadong .45 caliber pistol na nakatago sa kanyang bewang. Matapos mabigong magbigay ng mga kinakailangang papeles, kinuha ng pulisya ang armas kabilang ang apat na magazine ng mga bala.
Agad namang inaresto ang suspek at nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Omnibus Election Code at Republic Act 10591.