AABOT sa P1,007,555 ang kabuuang halaga ng interbensyon na naipamahagi ng epartment of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) bilang pakikiisa sa isinagawang Lab for All Caravan ni First Lady Louise Araneta Marcos noong ika-10 ng Oktubre sa Tagaytay City, Cavite.
Ang Lab for All ay programa ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa pamamagitan ni First Lady bilang isa sa mga inisyatibo ng pamahalaan sa pagsusulong ng “Universal Health Care” upang siguruhin ang patas na akses ng mga mamamayang Pilipino sa dekalidad at abot-kayang mga produkto o serbisyo para sa kalusugan.
Kaugnay nito, nagtayo ang DA-4A ng isang booth kung saan namahagi ng 7,863 na mga punla ng mangga, lanzones, calamansi, at iba pang agrikultural na interbensyon gaya ng butong pananim at gulay. Kalakip din nito ang mga polyetos na babasahin tungkol sa pagtatanim, paghahayupan, at pamamaraan sa pagsasaka para sa mga interesado sa larangan ng agrikultura.
Ayon kay Gng. Tita Lavandero, isang residente mula sa Tagaytay City na nakatanggap ng punla ng lanzones, bukod sa mga nakuha niyang gamot sa medical mission ay higit niyang ikinatuwa ang hindi inaasahang maiuuwi na lanzones mula sa DA. Aniya, magandang simula ang pagbibigay sa kanila ng pagkakataon ng Kagawaran na makapagtanim sa kanilang bakuran ng paborito niyang prutas. Samantala, kasabay ng pamamahagi ay inimbitahan ni DA Undersecretary Deogracias Victor Savellano kasama ang iba pang kawani ng DA-4A si First Lady sa pagdaan sa booth ng DA. Sinunod dito ang iba pang ahensya na kaisa rin sa aktibidad, ang Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Food and Drug Administration (FDA), at Philippine Health Insurance Corporation PhilHealth)