
KINUMPIRMA kahapon ng Commission on Elections (Comelec) na may naganap na “data leak” sa election automated system na gagamitin sa nalalapit na halalan sa Mayo.
Gayunpaman, nilinaw ni Comelec chairman Saidemen Pangarungan na walang epekto sa magiging resulta ng halalan sa Mayo ang insidente dahil aniya pawang mga datos ng kanilang internal organization at aktibidades ng komisyon ang naligwak na impormasyon.
Ayon pa sa opisyal, mismong ang Smartmatic Inc. ang umamin sa naganap na data breach – bagay na agad naman aniyang inaksyunan ng itinalagang service provider ng Comelec sa 2022 general elections.
Katunayan pa aniya, sinibak na sa trabaho ang empleyado ng Smartmatic na nasa likod ng naturang bulilyaso.
“Smartmatic informed us that they have meted the appropriate disciplinary action against that employee of theirs,” pahayag ni Pangarungan. “They emphasized to us that the data leak does not have anything to do with the elections in 2022. What was leaked were data concerning their internal organization and activities,” dagdag pa niya.
Kaugnay nito, tiniyak ng Smartmatic na hindi nalagay sa kompromiso ang integridad ng halalan, lalo pa’t hindi naman umano nagalaw ang mga sensitibong impormasyon at “configuration” ng automated election system.
Paglilinaw ni Pangarungan, kailangan pa muna din nilang hintayin ang resulta ng isinasagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na inatasang magsiyasat hinggil sa nasabing usapin bago magpasya ang komisyon laban sa Smartmatic.
“Although, alam ng Smartmatic that we studied all possible courses of action that the Comelec will take against them if ever.
So antayin na lang natin yung report ng NBI kasi yun ang magiging official na basehan ng aksyon ng Comelec,” pagtatapos ng Comelec chief.