
WALA ng buhay nang matagpuan sa comfort room ng kanilang bahay ang isang grade 6 student na babaeng dumaranas ng heartbreak nitong Huwebes sa Mabalacat City, Pampanga.
Tinukoy ng mga awtoridad ang biktima na isang 12-anyos na babae ng Bgy. Duguit, Mabalacat City.
Ang batang babae ay nadiskubreng patay ng kanyang tiyuhin, na gagamitin sana ang comfort room ngunit nakitang naka-lock ito.
Kumatok ang tiyuhin at nang walang sumasagot ay agad nitong sinira ang doorknob.
Sa pagbukas ng pinto, laking gulat niya nang makita ang kanyang pamangkin na nakasabit na may nakatali na shoe lace sa leeg at ang kabilang dulo ay nakatali naman sa aluminum truss ng comfort room.
Agad namang humingi ng tulong ang tiyuhin sa mga barangay officer na nagpaalam sa Mabalacat City police.
Nakakita ang mga rumespondeng lawmen ng diumano’y suicide note sa pinangyarihan.
Ang mga mensahe sa cellphone ng biktima ay nagpahiwatig ng umano’y break-up sa kanyang nobyo.
Sinabi ni Mabalacat police commander Lt. Col. Efren David na base sa inisyal na imbestigasyon, walang foul play sa insidente.
Tumanggi ang pamilya ng biktima na magsagawa ng karagdagang imbestigasyon sa kaso.