SUGATAN ang isang hepe ng pulis at anim na iba pa nang sabugan ng isang portable stove na kanilang ginagamit sa pagluluto ng pagkain noong Martes sa loob ng isang istasyon ng pulis sa Bgy. Santo Niño, San Simon, Pampanga.
Sa ulat kay Police Regional Office 3 director Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr., tinukoy ni Pampanga police commander Col. Jay Dimaandal ang mga biktima bilang San Simon police chief Maj. Leonardo Lacambra, 45; PSSg Mary Jane Genobili, 41; PSSg Jay-R Mabborang, 33; non-uniformed personnel Rolalyn Pascua, 35; non-uniformed personnel Marvin Novesteras, 44; Rowena Ignacio Celestial, 43; at Euis Pauig, 33.
Nagdulot ng first degree burn ang insidente at dinala ang mga biktima ng mga responder mula sa Bureau of Fire Protection San Simon sa ASCOM Hospital sa Apalit, Pampanga para lapatan ng gamot ang mga nasaktan.
Ayon kay Dimaandal, naganap ang pagsabog bandang alas-5:30 ng hapon noong Martes sa loob ng San Simon Municipal Police Station sa Bgy. Santo Niño.
Ang mga biktima ay naghahanda para sa isang dinner party nang biglang sumabog ang portable stove.
Ayon sa paunang imbestigasyon, ang pagsabog ay dulot ng tumutulong butane cylinder na nakakabit sa portable na kalan na ginamit ng mga biktima.
Sinabi ni Dimaandal na ang hepe ng pulisya, isang pulis, at isang non-uniformed personnel ay nagkaroon ng mga paso sa kanilang mga mukha at kasalukuyang inoobserbahan sa ospital.
Ang iba pang mga biktima ay na-discharge na matapos makatanggap ng paunang lunas.