“Tayo dapat ay makatulong. At kung hindi tayo makakatulong, ‘wag na tayong makasakit pa.”
ITO ang binigyang diin ni Senador Alan Peter Cayetano sa kanyang mensahe sa mga kapwa Taguigeño sa grand opening ng “The Lights of CHRISTmas” Park (TLC Park) nitong Sabado, November 30.
Libu-libong Taguigeño ang dumalo sa seremonya para saksihan ang taunang pagbubukas ng pinakamalaking lights park sa bansa, na unang binuksan noong 2022.
Sa kanyang talumpati, hinimok ni Cayetano ang mga kababayan na gawing araw-araw ang Pasko sa Taguig.
Aniya, bilang isang Probinsyudad, dapat lang na ang mga prinsipyo ng pagmamahalan, pag-unlad, at integridad ay isinasabuhay araw-araw, hindi tuwing kapaskuhan lang.
“‘Yung prinsipyong pinaniniwalaan natin sa Taguig – pagmamahalan, progress dahil ipinagbawal ang lahat ng klase ng sugal, prinsipyo na walang droga – sana po araw-araw ‘yan ay magiging totoo,” wika niya.
“Kung tayo ay tunay na Probinsyudad, sana araw-araw ay Pasko,” dagdag niya.
Bilang konkretong halimbawa, hinikayat niya ang mga kababayan na ugaliing maging solusyon sa komunidad imbes na maging parte ng problema.
“Halimbawa: Napakaganda ng ating park. Sana kung may makita tayo na nagtapon ng basura, tayo na rin ang pumulot. Pero kung ikaw pa ang magtatapon – e nakinabang ka na, dudumihan mo pa y’ung ating park,” wika niya.
Sa kanyang pagwawakas, hiniling ni Cayetano na maging “taon ng liwanag” ang 2025 para sa lahat ng Pilipino.
“Ang aking wish sa inyong lahat sa 2025 ay taon ng liwanag… Let’s not underestimate the importance of truth and fighting for the truth,” he said.
Ang TLC Park, na proyekto ng asawa ni Cayetano na si Taguig Mayor Lani Cayetano, ay bukas sa publiko hanggang Enero ng susunod na taon.