IBINIDA ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa isinagawang assessment at pagpaplano kaugnay ng Province-led Agriculture and Fishery Extension System (PAFES) noong ika-27 ng Enero ang matagumpay na implementasyon nito sa pilot province sa rehiyon na Batangas.
Ang PAFES na binuo noong nakaraang taon ay may layuning maimplementa ang Collaborative Agri-fishery Extension Program (CPAFEP) o iyong mga isasagawang pang-agrikulturang programa at proyekto na katuwang ang local government unit (LGU), state universities and colleges (SUCs), at civil society organizations (CSO) ng DA-4A sa pagsasagawa ng mga proyekto at programang pang-agrikultura.
“Ang PAFES ang platform upang masigurong mai-incorporate ng LGU ang mga plano. The role of the Department is to stir. The role of the LGU is to roll,” paliwanag ni DA Assistant Secretary for Operations at DA-4A Regional Executive Director Arnel V. de Mesa.
Kaugnay ng pagkakatatag ng PAFES sa Batangas, bumuo noong nakaraang taon ang DA-4A ng technical working group (TWG) na tututok sa mga proyektong kabilang sa CPAFEP.
Kabilang sa TWG ay ang office of the provincial agriculturist (OPA) at provincial veterinary office (ProVet) ng Batangas, DA-4A Agricultural Training Institute (ATI), DA Bureau of Agricultural Research (BAR), Philippine Rural Development Project (PRDP) CALABARZON, at ang Batangas State University (BatSU).
Naghanda rin noong nakaraang taon ang mga kabilang sa TWG para sa implementasyon ng mga proyektong kabilang sa CPAFEP.
Sumailalim sila sa iba’t ibang orientasyon, pagsasanay, worksops, at seminars. Nakipag-ugnayan din sila sa mga stakeholders na magiging katuwang sa mga proyekto, at pinag-usapan at pinagkasunduan ang appraisal sa mga proyekto.
Ang pagtatayo ng Meat Establishment Complex sa Ibaan at sa Batangas Port at Meat Academy sa Lipa na sisimulan ngayong taon ang pinakamalaking proyekto ng PAFES.
Ang ilan pa sa mga proyektong pang-agrikultura na isasagawa ay ang: pamamahagi ng mga binhi at kagamitan sa pagtatanim at pangingisda; pagsasagawa ng mga programa sa plant propagation, crop diversification, crop protection, at bangus, oyster, maliputo, and mudcrab production; pagbibigay ng soil fertility management services; at pagtatayo ng learning sites.
Magpapatuloy ngayong taon ang pagdaraos ng mga pagsasanay, workshops, at seminars sa mga grupong kasama sa PAFES, maging ang pakikipag-ugnayan sa mga stakeholders. Magtutuloy-tuloy din ang pagbuo ng PAFES sa mga non-pilot provinces sa rehiyon.