HULI ang isang konsehal, kasama ang kanyang driver, makaraang hampasin ng baseball bat sa ulo ng isang barangay kagawad sa Marilao, Bulacan nitong Huwebes.
Hinuli ng pulisya sina Andre Fabian Santos, 41, incumbent municipal councilor at residente ng Bgy. Poblacion 2, Marilao, Bulacan; at ang driver nitong si Fortunato Juares, 34, ng Poblacion 2, sa Marilao.
Sinabi ng mga saksi sa pulisya na ang biktimang si Rodolfo dela Cruz, 60, isang kagawad at residente ng Bgy. Tabing-ilog, Marilao, Bulacan, abala sa isang medical mission sa kanilang barangay nang dumating ang mga suspek.
Makalipas ang ilang minuto, nagkaroon ng mainitang pagtatalo sina Dela Cruz at Santos na nagresulta sa away.
Ang suspek at ang biktima ay pinatahimik ng dalawang pulis na naroroon sa lugar at nakumbinsi ang magkabilang panig na resolbahin ang hindi pagkakaunawaan.
Gayunman, pumunta si Santos sa kanyang sasakyan, kumuha ng baseball bat at hinampas ng isang beses sa ulo ang biktima, dahilan upang arestuhin siya ng mga pulis habang ang biktima ay isinugod sa Dr. Joni Villanueva Public Hospital sa Bocaue, Bulacan para magamot.
Sinampahan ng kasong frustrated homicide at direct assault to a person in authority ang naarestong konsehal .