ARESTADO ang isang Korean national nitong Huwebes matapos masunog ang isang gasoline station sa Mabalacat City, Pampanga.
Nahuli si Sunbin Yim alyas “Ben,” 41, Korean national na naninirahan sa Bgy. Telabastagan, City of San Fernando, Pampanga.
Nagsumbong sa pulisya sina Jay Romel Nivera, 31, ng Macapagal Village, Mabalacat City, Pampanga; at Vinson Corpuz, 38, ng San Vicente, Bamban, Tarlac, kapwa mga security guard sa Hann Hotel and Casino, Clark Freeport Zone sa Pampanga.
Sa imbestigasyon, hinahabol ng dalawang security guard ang nakamotorsiklo na minamaneho ng suspek sa Manuel A. Roxas Highway patungo sa direksyon ng Hann Hotel and Casino.
Pinahaharurot ng suspek ang minamanehong sasakyan para maiwasan ang humahabol sa kanya ngunit nakorner siya sa Shell Gasoline Station sa Clark Freeport Zone ng mobile Patrol 7 at Patrol 26.
Hanggang sa bumangga ang driver sa gasoline station pump na nagdulot ng sunog at hindi pa rin matukoy ang napinsala.
Naapula naman agad ang apoy habang nilapatan ng paunang lunas ng CDC paramedic unit ang suspek bago ito dinala sa Rafael Lazatin Memorial Medical Center.
Sinampahan ng kasong grave scandal, attempted homicide, at malicious mischief ang naarestong Koreano.