
HINDI na nagawa pang magpumiglas ng isang 61-anyos na lolo makaraang dayuhin pa ng mga pulis Pasig sa Sta. Rosa, Laguna para sa paghahain ng warrant of arrest kaugnay ng 18 asuntong isinampa sa husgado.
Kinilala ni Pasig City police chief Col. Roman Arugay ang suspek na Rolando Manalang y Fabon ng Barangay Balibago, Sta. Rosa, Laguna. Bitbit ang patung-patong na warrant of arrest na inilabas nina Regional Trial Court judge Armin Noel Villamonte at Dennis Jusi Rafa, dinakip ng mga operatiba ang suspek dakong 3:25 sa kanyang tahanan sa Las Sargas, San Jose, Residencia sa lalawigan ng Laguna.
Sa tala ng Philippine National Police (PNP), ang suspek ay wanted sa pitong kaso ng paglabag sa Tax Reform Act of 1997, walong asuntong kaugnay ng National Internal Revenue Code at tatlo pang kasong kriminal. Giit ng husgado, kailangang magbayad ng P60,000 ang akusado sa bawat isa sa 18 kaso.
Nakapiit na ang suspek sa local PNP custodial facility.